CONTEND

Home » Activities

Activities

Advertisements

love_poster
The Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy –UP Diliman, will be holding its monthly Critical Pedagogy Series on February 13, 2014, from 11 AM to 1 PM at the College of Science Auditorium. For this series, we will be discussing the concept of love and its political ramifications.

In this regard, we are respectfully inviting you and your class to be part of this event. Your presence and your class will enrich the discussion and exchange of ideas.

During the event, we will also ask DGO to invite the audience for the One Billion Rising 2014. It will also be an opportunity to rehearse and practice the OBR dance.

We are hoping to hold the lecture series with you.

—————————————————————-
lupa

Muli kayong iniimbitahan ng CONTEND UP para sa buwanan nitong Critical Pedagogy Lecture Series na pinamagatang “Lupang Hinirang, Lupang Hinarang.”

Tampok na tagapagsalita sina Ka Paeng Mariano ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Prof. Marion Tan, at mga magsasaka ng Hasyenda Luisita.

Ang aktibidad na ito’y pakikiisa ng CONTEND UP sa ika-27 na paggunita sa Mendiola Massacre na nangyari noong Enero 22, 1987.

Tampok na mga usapin ang hinggil sa repormang agraryo at ang kalagayan ng mga magsasaka sa bansa. Sana’y maging bahagi kayo ng gawain ito.
——————————————————————–
HR1

Bilang pakikiisa sa paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao, magsasagawa ang CONTEND UP ng talakayan hinggil sa kasalukuyang kalagayan ng karapatang pantao sa Pilipinas, ang “Karapatan, Katuwiran, Kalayaan” sa Disyembre 4, 2013 8:30am-11:30am sa Claro M. Recto Hall, College of Arts and Letters, UP Diliman.
Tampok na mga tagapagsalita ang mga tagapagtaguyod ng kaparatang pantao, dating bilanggong politikal, at pamilya ng mga nakaranas ng paglabag sa karapatan. Magpapalabas din ng mga bidyo at kultural na pagtatanghal na nagpapakita ng pakikiisa sa pagsulong ng karapatang pantao sa bansa.

Inaanyayahan namin ang lahat na dumalo para sa makabuluhang gawaing ito. Kung may katanungan o anumang paglilinaw, maaaring mag-email sa contendup@gmail.com o sa telepono bilang 09175915662.

——————————————————————————————
parangal1
—————————————————————————————
parangal1 copy
—————————————————————————–
pork copy
—————————————————————————
Sineng_Mapagpalaya

Isang mapagpalayang pagbati mula sa Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND-UP).

Malugod kayong iniimbitahan at ang inyong klase na dumalo sa “Sineng Mapagpalaya: Mga Dokumentaryo Hinggil sa Pakikibaka ng Mamamayan,” na gaganapin sa UP Film Institute/Cine Adarna, sa darating ng Agosto 17, 2013 (Sabado), sa ganap na 9-12 ng umaga at 1-3 ng hapon.

Ngayong semestre, itatampok ang apat sa mga pinakabagong dokumentaryo hinggil sa kalagayan at pakikibaka ng mga maralita, mula sa mga umuusbong na filmmakers sa bansa, ang Nanay Mameng at Hitherto ni Adjani Arumpac, Entablado at NPA Interviews Tape 2 ni EJ Mijares at ang Tanikala at Talinhaga ng Free Ericscon Acosta Campaign (FEAC) at FrEEDOM (Task Force Free Maricon Montajes).

Inaasahan namin kayo na maging kasama sa pagsusulong ng mga pelikulang tumutuon sa buhay at pakikibaka ng mamamayan. Kalakip ng liham na ito ang mga detalye ng pelikula, maikling gabay para sa diskusyon at reply slip para sa reserbasyon ng tiket para sa inyo at inyong mga klase. Magkita-kita po tayo sa Agosto 17.

Mga Pelikula
Ang pelikulang Nanay Mameng (2012) ni Adjani Arumpac ay isang “tribute film” sa isa sa mga popular at masikhay na lider masa na si Nanay Mameng o Carmencita Deunida. Sa edad na 85 anyos, ipinakita sa pelikula ang alab ng kaniyang pagmamahal at pagsisilbi sa sambayanan. Habang ang pelikulang Hitherto tungkol naman sa demolisyon sa Brgy. Bagong Pag-asa sa San Roque.
Ang dokumentaryong Tanikala at Talinhaga mula sa Free Ericson Acosta Campaign at FrEEDOM (Free Maricon Montajes), ay tungkol naman sa mga artista ng bayan na detenidong pulitikal. Tampok sa nasabing dokyu ang kalagayan at pakikibaka nina Ericson Acosta (manunulat/musikero), Maricon Montajes (filmmaker) at Allan Jasminez (manunulat).

Ang pelikulang Entablado ni Ej Mijares naman ay nagpapakita ng kalagayan ng maraming maralitang tagalunsod na nakadepende sa “informal economy” tulad ng mga panandalian ng trabaho kapag panahon ng eleksyon. Ipinapakita nito ang balintuna ng pagpapa-pogi ng mga pulitiko habang patuloy na naghihikahos at walang permanenteng trabaho ang mga kumakayod para sila ay “manalo.” Ang NPA Interviews Tape 2 naman ay isang mock documentary hinggil sa buhay ng isang pulang mandirigma.

Maikling Gabay sa Diskusyon

Bilang mga guro sa iba’t ibang larangan, maaari nating maging entrada ang mga nasabing pelikula sa diskusyon hinggil sa pambansang kalagayan. Halimbawa, ang Nanay Mameng, Hitherto at Entablado, ay mga napapanahong pelikula na maaaring makapagbigay linaw sa kundisyon ng mga maralitang tagalunsod, sa gitna ng kabi-kabilang mga debate sa media hinggil sa usapin ng “informal settling” atbp. Maaari ding iangkla ito sa mas malawak na usapin sa kung paanong hinuhubog ng kultura popular ang naratibo ng isang sektor na balintuna sa kaniyang tunay na kundisyon. Samantalang ang pelikulang Tanikala at Talinhaga, ay pagpapalawig ng papel ng sining sa lipunan at sa pakikibaka ng sambayanan.

——————————————————————————————————————-
Dinaluhan ng mga guro, estudyante, kawani at iba pang bisita sa loob at labas ng pamantasan ng Pilipinas ang buwanang Critical Pedagogy Lectures Series ng CONTEND-UP na State of Indig-Nation: Talakayang bayan ng paglaban. Naging pangunahing tagapagsalita ang mga Bakwet ng Bondoc Peninsula na biktima ng militarisasyon sa kanayunan. Nagsalaysay din ang mga maralitang taga-lungsod ng San Roque na nakaranas naman ng demolisyon sa Agham Road sa Quezon City. Sa hanay naman ng mga mag-aaral, tinalakay ang suliranin ng komersyalisasyon ng edukasyon. Naging bahagi rin ng programa ang testimonya ng pamilya ng mga bilanggong politikal sa bansa. Sa huli, nagbigay ng natatanging pananalita si Christopher Tejada, ama ng Iskolar ng Bayan na si Kristel Tejada na kinitil ang sariling buhay dahil sa sinasabing problema sa pagbabayad ng matrikula. Pinatunayan ng mga salaysay, testimonya at pagbabahagi ng mga datos kung bakit hanggang sa kasalukuyan walang pinagbago ang kalagayan ng bansa sa ilalim ng gobyerno ni Aquino. Sa halip, lalong lumalala ang nararanasang karahasan, kahirapan, at paglabag sa karapatang pantao ang mamamayang Pilipino. Sa pagtatapos ng programa, nananawagan ng malawakang partisipasyon ng bawat sektor sa darating na State of the Nation Address upang ipahayag ang pagtutol sa anti-mamamayan na mga polisiya ni Aquino.image

image

image

image

image
———————–
State of Indignation

Nais kayong imbitahan na dumalo sa buwanang Critical Pedagogy Lecture Series ng Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy-UP (CONTEND-UP) sa Hulyo 11, 2013 1:00pm-4:00pm sa Pulungang Claro M. Recto ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman.

Pinamagatang “State of Indignation: Talakayang Bayan ng Paglaban,” layunin ng forum na ito na itampok ang mga sektoral at panlipunang isyung kinakaharap ng ating bansa tulad usaping edukasyon, pabahay at kalagayan ng mga bilanggong politikal. Magandang pagkakataon na rin ito upang mailatag ang pagtatasa sa kalagayan ng bayan bago ang State of the Nation Address, at gayundin naman upang matukoy ginagawang iba’t ibang paraan upang tutulan ang mga anti-mamamayan at maka-dayuhang polisiya ng kasalukuyang rehimeng Aquino.

Para sa mga tanong at paglilinaw, maaaring makipag-ugnayan sa email address na contendup@gmail.com

————————————————————————
Rally sa pulong ng Board of Regents sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman
Hunyo 20, 2013 8:00nu sa Quezon Hall

Dinaluhan ng mga mag-aaral, guro, kawani at taga-komunidad ang kilos-protesta sa pulong ng Board of Regents ng Unibersidad ng Pilipinas, Diliman upang ipanawagan ang iba’t ibang isyu na kinasasangkutan ng kasalukuyang administrasyon. Partikular na bitbit na usapin ng pagkilos ang pananatiling anti-estudyante at anti-mahihirap na mga polisiya ng administrasyong Pascual.

Narito ang pahayag ng Justice for Kristel Alliance:

The Justice for Kristel Alliance on “The Committee Report on the Review of Articles 330, 430 and 431”: Unacceptable
[click link to read statement] Justice for Kristel Alliance_On the Committee Report


—————————————————————-
Eleksyon/Edukasyon: A Voters' Education Forum

Nais kayong imbitahan ng Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy-UP (CONTEND-UP) sa buwanan nitong Critical Pedagogy Lecture Series. Nakatakdang gawin ang aktibidad na ito sa Mayo 7, 2013 11:00am-1:00pm sa Claro M. Recto Hall, College of Arts and Letters, University of the Philippines, Diliman.

Pinamagatang “Eleksyon/Edukasyon” layunin ng talakayan na pagtuunan ng pansin ang halaga ng aspektong edukasyonal para sa halalan sa Mayo 13, 2013. Tampok na mga tagapagsalita sina Dr. Pablo Manalastas, IT Fellow ng Center for People Empowerment in Governance (CENPEG) at Prof. Thelma Magcuro, Direktor ng Office of Community Relations ng UP Diliman upang magbigay ng kani-kaniyang pananaw at tasa sa sistema ng eleksyon sa Pilipinas.

Inaasahan na mabigyang-gabay ang mga dadalo sa talakayan para sa wastong pagboto, hindi lamang sa usapin ng proseso at teknikalidad ng halalan. Higit pa dito, layunin nito na kilatisin ang plataporma ng mga pangunahing tumatakbo sa pambansa at lokal na posisyon upang matukoy ang kaibahan ng mga tradisyonal na politiko sa mga tunay na may malinaw na agenda para sa bayan at mamamayan. Nais din sagutin sa talakayan kung mayroon bang tunay na mangyayaring pagbabago at pag-unlad sa ating bansa gamit ang sistema ng eleksyon.

Kung mayroong kayong katanungan o anumang paglilinaw, maaaring makipag-ugnayan sa email address na contendup@gmail.com. Maaari rin kaming bisitahin sa https://contendup.wordpress.com/ para sa mga dagdag na detalye tungkol sa CONTEND-UP at libreng download ng PINGKIAN: Journal of Emancipatory and Anti- Imperialist Education

Maraming salamat at magkita-kita tayo!
—————————————-
Feb copy

Paano nahuhubog ang pag-ibig ng kapitalismo?
Anong ibig sabihin ng class love?
Bakit magkaugnay ang pag-ibig at pakikibaka?

Para naman sa makatang si Romulo Sandoval,
heto ang dahilan kung bakit tayo nagmamahal:

PAGKAT TAYO’Y NAGMAMAHAL

Napopoot tayo pagkat nagmamahal:
pagkat tayo’y saksi sa pangangalawang—
tulad ng turnilyo—ng obrerong bukal
ng ating hininga; sa pangangalirang.

lalo kung gapasan, niyang nagpapala
sa mga pinitak; sa pag-uumuga
ng buto-at-balat: ang kalakhang dukha
na ikinadena sa asin at luha.

Kaya’t sumusubo ang hurno ng utak,
ang apoy sa puso’y lipyang tumatalas—
paniwala’t pasyang pinapaling lakas
na sa nang-aapi’y ukol ipang-aklas.

Napopoot tayo pagkat tayo’y nagmamahal;
nagmamahal kaya’t braso’y humahataw.

Hulyo 1977

*tula mula sa http://romulosandoval2.blogdrive.com/archive/cm-2_cy-2013_m-2_d-6_y-2013_o-20.html

Dumalo at magpadalo sa CONTEND UP Criticial Pedagogy lecture series sa Pebrero 14, 2013 1:00pm-4:00pm sa Pulungang Claro M. Recto ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman.

—————————————————————————–
boni@150
————————————————————————————————–
jan17forum1 copy
—————————————————————
oraproinvite copy

Sa Enero 22, 2013 gugunitain ang ika-26 taon ng Mendiola Masaker kung saan 13 magsasaka ang pinaslang noong 1987 sa kalye ng Mendiola. Marapat ang pagbalik-tanaw sa kasaysayang ito upang ipakita ang malagim na nakaraan at kung sa paanong paraan ito tila nananatili hanggang sa kasalukuyan.

Kaugnay nito, ipapalabas ng Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy-UP (CONTEND-UP) sa pakikipagtulungan ng Cinemaralita at Urban Poor Resource Center of the Philippines ang pelikulang “ORAPRONOBIS”* sa Enero 19, 2013 9:am-11:00am/1:00pm-3:00pm, Sabado, sa UP CINE ADARNA . Taong 1989 nang matapos ang pelikula sa direksyon ni Lino Brocka at panulat ni Jose Lacaba. Ipinakita sa pelikula ang mistulang pagpapatuloy ng mga pamamaslang matapos ang pangakong demokrasya sa EDSA 1. Naging mahalagang ambag ang pelikulang ito upang ilarawan ang panahong maligalig na pinagmumukhang maayos at walang kontradiksyon.

Maraming matutukoy na diskurso mula sa pelikulang ito. Para sa mag-aaral ng panitikan at kasaysayan, dito makikita ang tuwirang ugnayan ng sining at lipunan at kung sa paanong paraan ito nagkakaroon ng talaban. Sa mga mag-aaral naman ng midya at komunikasyon, isang magandang halimbawa ang pelikula hinggil sa interbensyon na maaaring gawin ng miyda sa paglikha ng kasaysayan. Ang mga kumukuha naman ng kurso sa pilosopiya at mga agham panlipuna’y maisasakonteksto ang usapin ng pagbuo ng estado at pambansang imahinasyon sa nagpapalabnaw sa tunggalian sa lipunan. Sa mga mag-aaral sa wika, narito ang konseptuwalisasyon ng wika ng karahasan at pakikitunggali.

Sana’y maging bahagi kayo at ang inyong mga mag-aaral sa panonood ng makabuluhang pelikulang ito. Kung may katanungan o anumang paglilinaw, maaari kayong mag-email sa contendup@gmail.com . Maaari rin kaming bisitahin sa aming website sa https://contendup.wordpress.com/ .

—————————————————————————-

Bilang pakikiisa ng CONTEND-UP sa paggunita ng Pandaigdigang
Araw ng Karapatang Pantao sa Disyembre 10, 2012,
inihahandog ang TARUNG! Talakayan sa Karapatan at Katarungan.
Isasagawa ang panayam sa Disyembre 5, 2012 9:00am-11:00am
sa Pulungang Claro M. Recto. Bahagi ang talakayan ng buwanang
CONTEND-UP Critical Pedagogy Lecture Series,
sa pakikipagtulungan ng UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas,
PINALIPDAN (Defend Patrimony in Southern Mindanao Region),
PATRIA (Pagkakaisa para sa Tunay na Repormang Agraryo),
SINAGBAYAN (Sining na Naglilingkod sa Bayan) ,
at NNARA-Youth (National Network of Agrarian Reform Advocates).
Bahagi rin ang talakayang ito sa pagdiriwang ng
Linggo ng Kolehiyo ng Arte at Literatura sa UP Diliman.
Tampok na paksa sa talakayan ang iba’t ibang isyung kinasasangkutan
ng karapatang pantao, partikular ang kalagayan
ng mga biktimang katutubo ng malawakang pagmimina sa Mindanao.

Bahagi din ng talakayan ang kasalukuyang kalagayan ng mga bilanggong politikal.
Ipapalabas din dito ang ilan sa mga bahagi ng dokumentaryong Tanikala at Talinhaga
na nagsasalaysay sa karanasan ng mga artistang bilanggong politikal sa Pilipinas.
Kung may katanungan o iba pang impormasyon hinggil sa pagdalo sa talakayan,
maaaring makipag-ugnayan sa email address na contendup@gmail.com
o mag-message lamang sa CONTEND-UP facebook page.

———————————————————————————————————————-

Ang Filipino ay hindi lamang nakatuon sa usaping pangwika. Mariin din itong nakaugat sa ekonomiyang pampulitika kaya’t nagpapatuloy ito sa pag-unlad at pagbabago. Matingkad ang ugnayan ng wikang Filipino sa usaping panlipunan. Ginagamit ang wika upang manatili sa posisyong elitista at kapangyarihan ang iilan. Gayundin ginagamit ang wika bilang pagtuligsa sa isang mapanlinlang at mapang-aping sistemang panlipunan. Sandata ang wikang Filipino upang matukoy ang mga inililihim at tinatakpan na katotohanan ng ating kasalukuyang reyalidad.

Kaugnay nito, nais kayong imbitahan ng Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND-UP) sa buwanan nitong Critical Pedagogy Lecture Series, sa pakikipagtulungan ng Sentro ng Wikang Filipino ng U.P. Diliman sa isang talakayang pinamagatang “Ang Filipino sa Labas ng Wika: Talakayan sa Neoliberalismo at Wikang Filipino.”

Tampok na tagapagsalita sina Dr. Gonzalo Campoamor at Prop. Melania L. Flores ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, UP Diliman. Magsisilbi namang reaktor sina Dr. Ramon Guillermo ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas at Dr. Ricardo Nolasco ng Departamento ng Linggwistiks ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya. Isasagawa ang talakayan sa Nobyembre 27, 2012 8:00am-12:00pm sa Pulungang Claro M. Recto sa UP Diliman, Kolehiyo ng Arte at Literatura. Bukas ito para sa lahat ng mga guro at mag-aaral. Kung may katanungan o anumang paglilinaw, maaaring mag-email sa contendup@gmail.com
————————————————————————————-

This slideshow requires JavaScript.

Mga larawan mula sa SONA Total: Talakayang Bayan sa Pangalawang Taon ni PNOY

Daan-daang mga estudyante ng UP Diliman at dumalo at nakinig sa SONA Total: Talakayang Bayan sa Pangalawang Taon ni PNOY, isang forum na pinangunahan ng Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy-UP (CONTEND-UP).  Naging pangunahing  tagapagsalita ang mga representante mula sa iba’t ibang sektor na naglatag ng kani-kanilang pagsusuri at sitwasyon simula nang maupo si Benigno Simeon Aquino III bilang presidente ng Pilipinas.

Ilan sa mga pangunahing usapin na tinalakay sa forum ay ang kalagayan ng kasalukuyang edukasyon sa bansa na sinasabing hindi prayoridad ng pamahalaan dahil na rin sa kakulangan ng badyet na inilalaan dito. Binanggit din ni Representante Antonio Tinio ng ACT Teachers Partylist na problemado ang K+12 dahil sa limitado nitong polisiya na mistulang anti-mamamayan. Inilatag din sa talakayan ang kalagayan ng mga magsasaka sa ang ang epekto ng Public-Private-Partnership program ng kasalukuyang rehimen kung saan ang labis na naapektuhan ay ang mga magsasaka mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa. Bunsod ito ng pribatisasyon ng mga lupa’t ari-arian na marapat sanang ipamahagi sa mga magsasaka. Sa pagsusuri ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, sa pananalita ni Wilfredo Marbella, nananatili na ang pamahalaan ang siyang pinamalaking panginoong may lupa sa bansa.

Naging tampok din na usapin ang kasalukyang kalagayan ng kababaihan sa bansa.  Ipinahayag ni Gert Libang, Deputy Secretary General na Gabriela ang mahirap at hikahos na kalagayan ng mga babae sa paggawaan at kalunsuran.  Sa pamamagitan ng pagbibigay niya ng mga datos ng mga karahasang araw-araw na nararanasan ng mga babae sa bansa, binanggit niyang walang malinaw na programa ang gobyernong Aquino upang pangalagaan ang karapatan at kagalingan ng  kababaihan.  Samantala, iniulat naman ni Arelene Brosas, Secretary General ng Akap-Bata ang kalagayan ng kabataan sa bansa. Naging tutok ng kanyang pananalita ang nararanasang karahasan ng mga bata, partikular ang isyu ng child labor at eksploytasyon sa mga batang napilitang magtrabaho sanhi ng kahirapan. Inilahad naman ng tapagsalita mula sa Ecumenical Institute for Labor Education and Research (EILER)  at COURAGE, pinakamalawak na unyon ng mga empleyado ng gobyerno, ang kalagayan ng mga manggagawang patuloy na sinasamantala ng kasalukuyang rehimen dahil na rin mababang pasahod at pagbabarat sa kanilang mga benepisyo ng mga may-ari ng mga malalaking pabrika at kompanya.

Sa usapin ng pantaong karapatan, binigyang-diin ni Angie Ipong ng SELDA, isang samahan ng mga dating detenidong politikal ang kawalan pa rin ng hustisya at pagrespeto sa karapatang pantao, partikular sa mga lider-aktibista at mga indibidwal na nagtataguyod sa karapatan ng mamamayan. Sa kanyang datos, binanggit niyang may 363 na bilanggong politikal sa Pilipinas kung saan 60 ang may sakit at 12 ang may katandaan na. Samantala, nagsalita rin si Aya Santos mula naman sa Desaparecidos kung saan tinalakay niya ang patuloy na paghahanap ng pamilya sa kanilang mga kaanak na mga biktima ng sapilitang-pagkawala.  Ibinahagi niya ang kanilang patuloy na paghahanap ng hustisya partikular kay Jovito Palparan na siyang may pakana ng pagdukot kina Sherlyn Cadapan at Karen Empeno,  puwang mga mag-aaral ng UP Diliman na anim na taon ng nawawala.

Sa hanay ng akademya, nagbigay ng kani-kaniyang pananaw at reaksyon sina Prop. Jerwin Agpaoa ng Departamento ng Pilosopiya ng College of Social Sciences and Philosophy, Prop. Joni Guiterrez ng UP Film Institute ng College of Mass Communications at Lou Jaye Sonido ng Departamento ng Ingles at Komparatibong Panitikan ng Kolehiyo ng Arte at Literatura.  Ginamit ni Prop. Agpaoa ang talinghaga ng pabo na inaalagaan upang sa huli’y katayin bilang mistulang kalagayan ng bansa. Habang si Prop. Gutierrez nama’y naglatag ng alegorya ng sakit ng bayan ng tulad ng sakit na puso na biglaan kung dumating kung kaya’t kailangang paghandaan. Samantala, inilahad naman ni Prop. Sonido ang kanyang patatasa sa aspekto ng pagiging mulat ng mga mag-aaral sa usaping panlipunan na marapat tutukan ng pansin, kung saan dapat silang makialam. Naging mabunga ang talakayan na nilahukan din ng kultural na pagtatanghal mula sa Sinagbayan at pagbasa ng tula ni Joey Baquiran. Sa  huli, binigay ni Prop.  Floyd Tiongson ng All UP Academic Employees Union ang kanyang paglalagom sa talakayan sa pamamagitan ng pag-imbita sa bawat isa na lumahok sa kilos protesta sa Hulyo 23, 2012.

(Hulyo 19, 2012 CM Recto Hall U.P. Diliman)

TUWID NA DAAN*

(sa ikatlong SONA ni Pnoy)

ni Joey Baquiran

Kung tuwid na daan ang pangarap

Bakit hindi taumbayan ang nililingap

Kundi ang sandatahang nanghaharass

Binigyan pa ng badyet na pagkataas-taas.

Samantalang ang pondo ng edukasyon

Konsuwelo de-bobo ang alokasyon

Iyan na nga ang state of the nation

Pati kami makakalbo sa konsumisyon.

Araykupo, pabigat sa estudyante at magulang

Ang programang K-12 na makadayuhan

Inihahanda ang bagong pag-asa ng bayan

Para maging pag-asa ng global na kapital.

Seryoso kami ha, Ginoong Pangulo

Nagpa-fasting na nga ang mga detenido;

Paano naman Noynoying ang paborito mo

Ang hustisyang inupuan, palso at malaking No! No!

At bakit hanggang ngayon di marendahan

Ang kumitil sa lider-mamamayan

Ang kinatatakutan, ang kinamumuhian

Ang hindi makita-kitang si berdugo Palparan.

At bakit hindi maipamigay nang agad-agad

Ang lupain ng Hacienda Luisita sa Tarlac?

Aminin mong interes ng uri ang hatak

Uunahin ang angkan kaysa laksang naghihirap.

Kaya SONA mo’y harapang kasinungalingan:

Hindi man pumitada sa daan ang iyong wang-wang

Hindi rin naman narinig ang tinig ng katarungan

At dahil diyan, walang-wala ka Noynoy, sa tuwid na daan.

*tulang binasa sa SONA Total: Talakayang Bayan sa Pangalawang Taon ni PNOY (Hulyo 19, 2012, CM Recto Hall, UP Diliman)

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

Archives